Alisin ang lambong ng terorismo. Mamamayan, itulak ang kilusan para sa tunay na kapayapaan.

Takot ang pangunahing nililikha ng terorismo, ng gyera. Kapag takot ang nangibabaw, nakagawiang gustong kapitan ay iyong dagling makakatanggal ng takot. Lakas laban sa lakas. Pwersa laban sa pwersa. Karahasan pantapat sa karahasan ng terorismo. Kung ano ang mas mabilis na makapupuksa ng pinanggagalingan ng takot at kaguluhan, yun ang nakikitang tanging opsyon, tulad ng militarisasyon. Tulad ng pagpataw ng Batas Militar sa Mindanao dahil sa labanan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at grupo ng Maute, itinuturing na Islamic extremists, sa Marawi.

Subali’t kailangang tumingin tayo lagpas sa Batas Militar. Ano pa ang maaaring gawin? Isang mahalagang hakbang ang pag-intindi sa nagaganap sa Marawi; sa pagtuklas ng ugat ng mga kaganapan hindi lang sa Marawi kundi sa likod ng pagkakaroon ng mga grupong tulad ng Maute. Totoong dapat labanan ang terorismo. Subali’t kahit mabuwal ang libong itinuturing na terorista, may iba pang susulpot or marerekrut kapalit nila kung hindi ang ugat ng terorismo ang mapupuksa. Para sa pamahalaan, ang tanging solusyon ay militarisasyon, gyera, batas militar.

Bakit? Dahil mas mahirap para sa pamahalaan na ayusin ang problema ng kahirapan; ang harapin ang kawalan ng trabaho at katiyakan nito, ang makatarungan at mabilis na pamamahagi ng lupa at suportang serbisyo, ang pagsasauli ng coco levy at paggamit nito para sa kapakinabangan ng maliliit na magniniyog, ang moratoryum sa land use conversion, ang sertipikasyon ng Alternative Minerals Management Bill, moratorium sa mga bagong aplikasyon sa pagmimina, pag-aalis ng interes sa mga resettlement ng mga maralita at pagsasaayos ng sistema ng pabahay.

Hindi lamang ang pamahalaan ang may tangan ng opsyon. Tayong mga mamamayan ay may obligasyon sa pagkakaroon ng kapayapaan; may responsibilidad sa kapwa natin Pilipino na dumaranas ng hirap dahil sa kaguluhan sa Marawi, dahil sa mas matinding militarisasyon o abuso sa ilalim ng Batas Militar sa Mindanao. Ang unang pinakamahalagang hakbang ay alamin, unawain, suriin ang mga pwersa at mga kadahilanan sa likod ng matagal nang sigwa sa Mindanao; itulak ang pamahalaan na hindi batas militar ang sagot. Di sagot ang machismo o pagtutulak sa panggagahasa at lahat ng porma ng abuso, sa ngalan ng gyera o pagpatay.

Ang aming sama-samang panawagan:
1. Ihinto ang Batas Militar, huwag pahabain, huwag palawigin.
2. Ihinto ang pambobomba at pagsira sa Marawi at mga karatig-bayan.
3. Isama ang mga lokal na pinuno, pati kababaihan, sa lahat ng usapang pang-kapayapaan.
4. Panagutin ang mga responsable sa paglabag sa karapatang pantao.
5. Tugunan ang mga batayang panawagan sa tiyak na trabaho, makatarungan at mabilis na pamamahagi ng lupa at suportang serbisyo, edukasyon at serbisyong pangkalusugan para sa lahat, kasama ang kalusugang pang-reproduktibo, makatarungang sistemang pabahay, at pagtitiyak ng katuparan ng mga batas para sa karapatan ng kababaihan.

KALIPUNAN NG MGA KILUSANG MASA
Alyansa Tigil Mina (ATM)
Kilos Maralita (KM)
Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA)
Partido Manggagawa (PM)
Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO)
Union of Students for the Advancement of Democracy – Ateneo de Manila
World March of Women (WMW)

Leave a Reply