Photo by: Joshua Noguit/Sentro

Hindi na dapat ipagdiwang ng rehimeng Duterte ang Araw ng Kalayaan. Wala itong karapatang mag-alay ng bulaklak sa paanan ng estatuwa ni Rizal na siyang laging seremonya ng mga pamahalaan tuwing ika-12 ng Hunyo. Higit pang naging hungkag ang selebrasyong ito sa ilalim ni Duterte, na sa katotohanan ay matagal nang ritwal na lamang na nagtatakip sa hindi magagandang pangyayari sa ating kasaysayan—mga pangyayaring dapat magbunsod sa atin na magtanong kung totoo nga bang may kalayaan at soberenya simula pa sa sinasabing pagtaas ni Aguinaldo ng bandila sa Kawit.

Hindi katanggap-tanggap sa mga kababaihang Filipino na magpugay si Duterte sa Inang Bayan. Hindi ang pangulong ito na nambabastos, nang-iinsulto, nagpapababa sa katayuan ng mga kababaihan dahil ginagawa niyang biro ang panggagahasa, ang pandarahas sa mga babae, ang pagbaril sa aming mga puki, sa pagpapatindi ng tingin sa mga babae bilang mga sexual objects na tagabigay ng aliw sa kanya at sa mga kalalakihan.

Hindi! Hindi ang pangulong ito at ang mga miyembro ng kanyang pamahalaan na nagtataguyod ng kultura ng pagkamuhi, pandarahas, pang-aapi sa kababaihan; isang kulturang patriyarkal na matingkad kahit mismo sa hanay ng mga babae at matagal nang binabaka ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan.

Hindi! Hindi ang pangulong ito na nagdulot ng matinding kahirapan sa mga kababaihan sa Mindanao dahil sa kanyang batas militar; na naging dahilan ng pagkabalo ng mga kababaihan at pagkaulila ng maraming mga bata sa mahihirap na pamayanan dahil sa kanyang giyera laban sa droga samantalang inililigtas ang mga sindikato na nagpapakalat mismo ng droga; na tumalikod sa kanyang pangako sa mga manggagawa na ititigil ang kontraktwalisasyon; na nagpatupad ng isang batas sa buwis na higit pang nagsasadlak sa babae sa matinding kahirapan; na patuloy na hinahayaan ang walang habas na land use conversion sa kabila ng pangakong moratorium; na planong tanggalin ang buong probisyon ng katarungang panlipunan at karapatang pantao sa Konstitusyon at ang restriksyon sa pag-aari sa lupa at mahahalagang sektor ng ekonomiya para sa malayang pamumuhunan ng mga dayuhang negosyante.

Hindi ang rehimeng ito na tinatalikuran ang maliliit na mangingisdang Filipino; na nagtraydor sa bayan kapalit ng mga ganansiya mula sa Tsina at Estados Unidos.

Hungkag ang kalayaan at soberenya hanggang ang kababaihan at mayorya ng mga anak ng Inang Bayan ay dumaranas ng pang-ekonomiyang kahirapan, pinapatay nang walang pakundangan, pinagtataksilan upang itaguyod ang interes ng makakapangyarihan.

Babae kami. Nasa hanay ng mga manggagawa, maralita, magsasaka, katutubo, mga progresibong propesyunal, mga mulat na kabataan, mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan. Ang laban ng mga batayang sektor ay laban ng kababaihan. Ang laban ng kababaihan ay laban ng mamamayan. Ang labang ito ay para kay Inang Bayan!

Written by sentro01

Leave a Reply